Ang Department of Health, sa kanilang Facebook Page, ay naglabas ng ilang mahahalagang impormasyon patungkol sa dengue vaccine o Dengvaxia.
Ano ang gagawin sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia?
Tingnan kung nasa masterlist ng DOH ang pangalan ng bata. Kung wala ang pangalan, magpalista. Babantayan ng DOH ang kalusugan ng mga bata sa mga susunod na taon.
Dalhin agad ang mga bata sa pinakamalapit na health facility kapag may sintomas ng dengue.
Ano-ano ang mga sintomas ng dengue?
- Pagkakaroon ng pagtaas ng lagnat
- Matinding sakit ng ulo
- Pananakit sa likod ng mata
- Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagduduwal
- Pamamantal sa balat
Paano maiiwasan ang dengue?
Hinihikayat ang lahat na magpatupad ng 4S kontra dengue.
- Search and destroy breeding places – hanapin at sirain ang mga bagay na pwedeng maipunan ng malinis na tubig at pamahayan at pangitlugan ng lamok.
- Seek early consultation – agad na kumunsulta sa doktor kapag makaranas ng anumang sintomas ng dengue.
- Self-protection measures – gumamit ng proteksyon laban sa kagat ng lamok tulad ng insect repellant, magsuot ng longsleeves, kulambo at iba pa.
- Say yes to fogging in times of impending outbrreak – maaaring magpausok sa komunidad kung may banta ng dengue outbreak.
Ano ang sagutin ng gobyerno kung sakaling magkaroon ng severe dengue ang mga nabakunahan ng Dengvaxia?
Sasagutin ng PhilHealth ang gastusin sa pagpapa-ospital ng mga batang tatamaan ng severe dengue kahit saang hospital. Ipakita lamang ang Dengue Immunization Card.
Ito naman ang nakalap ng aming Team na maaaring basahin para sa karagdagang impormasyon patungkong sa Dengvaxia. Ito ay health advisory ni Doc Willie Ong mula sa kaniyang Facebook Page.
Naglabas ng advisory ang Sanofi, ang kompanya na gumawa ng Dengvaxia, ang kauna-unahang Dengue Vaccine. Ayon sa Sanofi advisory, lumabas na ang resulta ng 6 na taong pag-aaral sa naturang bakuna.
- Hindi dapat ibigay ang bakuna sa mga batang HINDI pa nagkakaroon ng dating Dengue infection. Baka makasama ito.
- Pero may BENEPISYO ang Bakuna sa mga batang may Dati nang Dengue Infection, at edad 9 pataas.
- Malalaman lang kung may dating Dengue infection sa pamamagitan ng isang Blood Test (serological testing) sa mga ospital. May kamahalan ito.
- Ang ibig sabihin nito: Kung gusto ninyong magpabakuna sa Dengue vaccine sa inyong Pediatrician, DAPAT ay may Blood Test muna ang bata at maging positibo muna siya sa dating Dengue infections.
- Kung hindi tiyak kung may Dengue dati, ay HUWAG muna magpa-bakuna. Dahil posibleng makasama lang ito.
Medyo komplikado di ba? Pero iyan talaga ang sitwasyon sa ngayon sa bakunang ito. Hindi tulad ng ibang bakuna na LIGTAS ibigay sa lahat ng tao.
Timeline: Bago po magsisihan at gumawa ng kanya kanyang konklusyon, heto po ang TIMELINE (Oras) ng pangyayari.
1. Noong December 2015, bumili ang DOH ng Dengvaxia para ibigay ng libre sa mga Pilipino. Hindi pa malinaw ang side effects noong panahon na iyon. Mayroon na nag-question kung kailangan ba ang bakuna o hindi, dahil nga BAGO pa ito at may kamahalan.
2. Noong April 2016, nagsabi ang World Health Organization (WHO) na PUWEDE ibigay ng mga bansa itong bakuna, BASTA may 90% ng populasyon ay may dating Dengue Infection na. Sa Pilipinas, depende sa lugar, may mga Regions na umaabot sa halos 90% ang may dating dengue infection. Kaya ito binigay ng DOH kahit walang Blood Testing.
3. Ngayong November 29, 2017, naglabas na mismo ang Sanofi drug company, na base sa RESULTA ng bagong pagsusuri nila, KAILANGAN na ng Blood Testing (evidence of past dengue infection) bago ibigay itong bakuna. Para siguradong ligtas ang mga batang babakunahan.
4. Kaya ngayong November 30, 2017, AGAD akong SUMULAT ng Health Advisory sa inyo, para sa kaalaman ng LAHAT ng Doktor, Pasyente, Magulang at Gobyerno din. Ayaw nating MAHULI ang Pilipinas sa bagong kaalaman.
Sagot sa tanong base sa aking pagsusuri: (Puwede maging iba ang sagot ng ibang eksperto).
1. Bakit ba binigay yang bakuna kung makasasama naman pala sa tao?
Sagot: Sa karamihan ng tao na may dating dengue infection, MAKAKATULONG ang Dengvaxia para makaiwas sa komplikasyon ng Dengue. May benepisyo ito. Pero sa mga 10-20% ng Pilipino na wala pang Dengue infection, posible na makasama ito kung sakali na tamaan sila ng Dengue balang-araw.
2. Mayroon ba dapat managot sa nangyari? Sino ang may kasalanan?
Sagot: Mahirap sagutin. Pero para sa akin ay November 29, 2017 pa lamang lumabas ang RESULTA ng pag-aaral na makasasama ang bakuna sa mga batang wala pang dating dengue. Mayroon nang konting HINT dati na posible itong makasama, pero dahil sa WHO statement noong April 2016, na puwede itong ibigay ng bansa base sa kanilang pagsusuri (judgment). Mahirap din kumontra sa WHO statement nang wala tayong sapat na ebidensya.
3. Paano na ang mga nabakunahan nitong Dengue Vaccine? Ano na ang gagawin ngayon?
Sagot: Kung nabakunahan ang iyong anak sa naturang Dengue Vaccine, ay wala naman dapat gawin sa ngayon. Pero kung sa aking opinyon, ay hindi ko na itutuloy pa ang mga susunod na bakuna. Kailangan may blood test muna. Karamihan ng mga nabakunahan (80-90%) ay may benepisyo naman ang bakuna. Pero yung 10-20% na wala pang Dengue dati ang dapat mag-ingat na huwag tamaan ng Dengue. Iwas na makagat ng lamok.
4. Ano ang puwede gawin ng DOH sa mga bakuna na nabili na nila?
Sagot: Kung sa aking mungkahi bilang public health doctor, dapat ay itigil ang pagbigay ng Dengue Vaccine. Hindi naman kaya ng gobyerno na ipa-TEST pa ang lahat ng bata sa Blood Test, bago sila bakunahan. Mahal at magkukulang ang Testing Kits kung para sa buong bayan. Hindi na ito sulit (cost-effective). Mas sulit pa na maglinis ng bakuran para mabawasan ang mamamatay sa Dengue.
5. Paano na tayo iiwas sa Dengue infection, kung ayaw natin itong Dengue Vaccine (Dengvaxia).
Sagot: May pangalawang Dengue Vaccine na pinag-aaralan. Ang Takeda brand ng Dengue Vaccine ay umabot sa 18 months na pag-aaral. Nakita na ang bagong Dengue Vaccine nila ay epektibo sa mga batang may Dating Dengue infection at WALA pang dengue infection. Pero huwag tayo masyado excited. Maghihintay pa ng ilang TAON para MAKASIGURO na ligtas ito at walang side effects na lalabas sa katagalan. Ang pag-iwas sa kagat ng lamok ang pinaka-mabisang paraan para makaiwas pa rin sa Dengue.
6. Dapat bang magpabakuna sa ibang sakit tulad ng Tigdas, MMR, Polio, Flu at iba pa?
Sagot: Oo. Dapat magpabakuna sa Regular Vaccines na binibigay ng DOH. Matagal na ang mga bakunang iyan at SUBOK na at epektibo. Tulad ng Polio vaccine na halos MAAALIS na ang sakit na Polio sa buong mundo. Kakaiba lang ito sa naturang dengue vaccine dahil nga bago pa ito.
Kung may mga katanungan pa kayo patungkol sa Dengvaxia, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na hospital. Maaari rin kayong mag-iwan ng mensahe sa opisyal na Facebook Page ng DOH:
https://facebook.com/OfficialDOHgov/
Leave a Reply